Nagbabala ang chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MRTCB) na si Lala Sotto na huwag na sana pang idamay ni Toni Fowler ang pangalan ng ahensya sa kanyang mga pahayag.
Ito’y matapos na sabihin ni Toni na hindi naman niya binuksan para sa lahat ang kanyang music video na ‘MPL’ na nababalot ngayon ng kontrobersiya dahil sa sensitibong laman nito.
Mismong si Sotto na ang nagbigay ng kanyang mensahe kay Fowler at sinabi na hindi nila maaring sabihin na ‘Rated SPG’ ang kanilang music video lalo na’t hindi naman ito dumaan sa MTRCB.
Kung dumaan rin naman daw ito sa MTRCB ay hindi ito makakatanggap ng SPG kundi rated X.
“Somebody who was part of the video had that the video was rated SPG (Strictly Parental Guidance). They should refrain from saying that because, the SPG belongs to the classification system of the MTRCB. And it never went through the MTRCB,” ayon kay Sotto.
“Had it gone through the MTRCB, it would never receive an SPG. We would have given that an X rating,” dagdag pa niya.
Matatandaan na sinabi ng MTRCB na hindi nila saklaw ang mga video na ipinapalabas sa mga social media platforms at streaming sites kaya naman hinimok nila ang mga netizens na magsanib pwersa at i-report ang mga palabas na pinaniniwalaan nilang ‘rated X’.
Samantala ay sinabi naman ni Fowler na hindi totoong alak ang ininom ng kasama nila sa music video na si XBreezy Babe Papi na nagdadalang tao.
“Actually nag-post na rin si Papi tungkol dito, ‘yung kasama ko sa bahay. Kasi ang daming nagsasabi na bakit ganon, naturingang buntis pinainom ko ng alak,” paliwanag ni Fowler.
“Nilaro lang po nila ‘yung juice and ‘yung tubig para magkakulay. Hindi ko po gagawin na isama ang isang buntis na tao at painumin po ng alak para lang sa music video ko,” dagdag niya pa.
Nagtataka naman ang mga netizens kung bakit tila umatras ang buntot ni Fowler matapos maglabas ng pahayag ang MTRCB.
Nitong nakaraan lamang ay tila ikinatuwa pa ng influencer ang kanyang natatanggap na pambabatikos at sinabi na pinapayaman lamang siya ng kanyang mga kritiko.