Nakiusap ang dating Eat Bulaga host na si Anjo Yllana na sana’y bayaran na ng TAPE Inc. ang mga ‘backwages’ na hindi pa naibibigay sa kanya matapos ang kanyang pag-alis sa nasabing noontime show.
Sa pahayag sa kanya ng DZRH, sinabi ni Anjo na wala na dapat siyang balak pang ungkatin ang isyu, ngunit binuhay niya ito matapos niyang malaman na nag-umpisa ng bayaran ng TAPE, ang ilang talent nila na matagal na-delay ang sweldo.
“Kumbaga pinagpasa-Diyos ko na lang yun kasi sabi nga naging masaya naman ako. Mahal ko yung mga katrabaho ko dun pero kung magkakabayaran, sama naman ako. Kahit wala na ako diyan, sama naman ako. Kasi pinagtrabahuhan ko naman,” ani Anjo.
Kasama na dito si Vic Sotto na nakatanggap na ng P40-M mula sa TAPE.
Ayon kay Anjo ay sana’y mabayaran narin siya ng management ng Eat Bulaga lalo na’t halos kalahati ng buhay niya o dalawang dekada siyang naging parte ng noontime show.
“Ngayon, kung may tiwala kayo sa akin, yun lang naman yun e. Lima o pitong buwan. Konting compensation. 20 years naman ako sa inyo, kalahati halos ng buhay ko inalay ko naman sa inyo. Wala naman akong masamang tinapay sa’yo,” aniya.
Sinabi rin ng komedyante na bihira nila noon pinag-uusapan ang isyu tungkol sa mga utang ng TAPE.
“Ngayon, nung 2018 yata ‘yun, nagsimula na ‘yung mga delay-delay. Nagsimula muna sa two months, three months, four months… akala ko malayo na ‘tong four, pero umabot ng seven to eight months. Hirap na hirap na ako.” pagbabahagi niya.
“Napakahirap na nagtatrabaho tapos ilang buwan kang [walang sweldo]… kasi ano pambuhay mo sa pamilya mo?” dagdag pa niya.
Ayon sa kanya ay ilang taong hindi nabayaran ang sweldo ni Bossing Vic kaya naman umabot ito sa milyon milyong piso.
Matatandaan na mula 1998 ay host na ng Eat Bulaga si Anjo at umalis lamang ito noong 2020.