Hindi maitago ni Gladys Guevarra ang galit at lungkot matapos niyang ianunsyo ang ginawa ng kanyang dating boyfriend at fiance na si Leon Sumagui.
Sa isang Facebook live, ipinalaam ni Guevarra sa kanyang mga customer at followers na itinakas diumano ni Sumagui ang perang ginagamit niya para sa kanyang online food business.
Ayon sa kanya, kailangan niyang i-cancel ang lahat ng order sa kanyang online business dahil sa hindi inaasang problema niyang kinakaharap na kagagawan ng kanyang ex.
“Ito po ay may kinalaman sa ipinakilala kong jowa ko, which is si ‘dada’ si tiger, mayroon po kaming hindi pagkakaunawaan from last night so I’ve decided na cancel-in lahat ng orders and up to this very moment, itong buong maghapon na ito, antagal bago ko po nakuha lahat ng perang ibinayad ninyo,” ani Guevarra.
“Yung sinasabi ko pong hindi inaasahang kadahilanan, eh yung akin pong partner, as you notice, noong mga unang nag o-order kayo ang ibinibigay ko pong bank details ay ‘yung BDO account ko,”
“Ang salita po ng partner ko, ang ilalagay nalang sa system at sa page ay yung BDO account niya, yung BPI account niya at ‘yung Gcash account niya, sa kadahilanang wala akong BDO online so hindi ko mamo-monitor ‘yung mga perang pumapasok online at ‘yung mga magbabayad sa orders,”
“So pumayag ako out-of-trust, out of good faith, dahil partner ko siya at dahil karelasyon ko siya, eto pong hindi inaasahang kadahilan ay hindi po kami nagkaroon ng magandang pag uusap, hindi po kami nagka unawaan, hindi kami nagkaintindihan, umabot po kami sa punto na ‘okay fine hiwalay na kami today’,”
“But as I said buong maghapon today, ang inasikaso ko ay ‘yung maibalik ang pera tapos sabi ko tagal ko sa industriyang ito hindi po ako nagkaroon ng problema tungkol sa pera, never pong nasira ang pangalan ko tungkol sa pera,”
Sinabi ni Guevarra, itinakbo ng kanyang ex ang kita sa ilang transaction sa kanyang online business na naging dahilan para tawagin siyang “scammer” ng isa sa kanyang mga followers.
Kumpiyansa naman si Guevarra na mapapatunayan niya ang kanyang mga sinasabi sa kanyang mga customer dahil alam naman nila kung kanino nakapangalan ang mga account na pinadalhan nila ng pera.
Inilahad pa ni Gueverra na ang mga pera mula sa mga transaction niya noong September 3 na nagkakahalaga ng 9,100 ay hindi pa naibabalik sa kanya at kinakatakot nito na naitakbo na ng tuluyan ng kanyang ex ang perang ito.
“Yun ang masakit, karelasyon ko pa,” saad niya.
Namomoblema rin siya kung paano niya uumpisahan ang refund ng mga orders niya dahil wala na sa kanya ang system dahil sinira na ito ng kanyang ex at tanging mga papel nalang ang kanyang ginagawang basehan.
Naiyak muli si Guevarra habang kinukwento kung gaano kahalaga sa kanya ang kanyang online business lalo na’t madami ang nagtitiwala at bumibili sa kanya.
Nangako siya sa kanyang sarili na hinding hindi siya masisira sa kanyang mga customer dahil sa pera.
“Ang sakit kasi, so maghapon pihinabol habol niya [Sumagui] ako para sa perang ito na hindi sakin mapupunta, sabi ko kailangan kong i-refund, pinahabol habol niya to,” saad niya.
“Stress na stress na po ako kasi gusto ko pong maibalik itong pera ninyo,” dagdag pa niya.
Humingi siya ng tulong sa kanyang mga customer upang mas mapadali ang refund ng kanilang mga orders.
Hindi pa nagbibigay ng kumento ang kampo ni Sumagui sa mga akusasyon ni Guevarra.
Nakilala si Gueverra bilang isang komedyante at singer sa Eat Bulaga.
Naging usap usapan din siya sa kanyang mga komento tungkol sa politika.
Isa rin siya sa mga taga suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.