Humingi ng paumanhin sa publiko ang dating pulis na si Wilfredo Gonzales na matatandaang sumikat sa social media matapos niyang kasahan ang siklistang kanyang nakaalitan.
Sa hearing ng senado nitong September 5, 2023, sinabi ni Gonzales na biktima lamang din siya sa mga nangyari dahil sa tindi ng epekto ng isyu sa kanyang kabuhayan at sa pamilya.
“Biktima rin po ako dito, nawalan ako ng trabaho, na-ano ako sa social media, mga anak ko, pamilya ko. Kung hindi sinuntok ‘yung kotse ko, kung ‘yung bangga lang sa bumper ko pagpapasensyahan ko na,” ani Gonzales.
Sinabi rin nito na ikinabigla niya lamang ang nangyari kaya’t nasaktan niya ang siklista na si Allain Bandiola na dumalo rin sa nasabing hearing.
Ayon kay Gonzales ay gusto niya lamang depensahan ang kanyang sarili lalo na’t kagagaling niya lamang sa isang operasyon.
“Humihingi po ako ng tawad sa parteng ‘yun po, pambabatok ko at pagbunot ko at pagkasa ko,” ani Gonzales. “Humihingi po ako ng tawad sa lahat,”
“Kasalanan ko po ‘yun, nabigla po ako. Ang isip ko po noon, idepensa ‘yung sarili ko dahil hindi naman ako ganoon kalakas. Galing ho ako sa spine operation,” dagdag pa niya.
Posibleng ligtas naman sa demanda si Gonzales dahil nanindigan ang siklista na hindi niya sasampahan ng kaso ang dating parak.