Hindi naitago ni Boy Abunda ang pagkadismaya sa naging mga pahayag ni Hope Soberano sa kanyang 14-minute vlog.
Sa kanyang programang “Fast Talk with Boy Abunda” sinabi ng television host at talent manager na hindi magandang pakinggan ang sinabi ng aktres kung saan ay inireklamo nito ang tila kawalan niya ng kalayaan noong siya ay nasa Pilipinas pa.
Ayon naman kay Abunda ay wala namang problema kung magbabago ng management si Soberano ngunit sana’y hindi na ito nagbigay pa ng kanyang reklamo sa kanyang nakaraang karera.
“Masakit pakinggan. Kasi you were working with three of the best directors of this country. Bilang tagahanga, ang gusto kong sabihin, Liza, ang hinangaan namin, hindi ikaw ‘yon. For the last 13 years ang hinangaan namin hindi si Liza ‘yon,” ani Abunda.
Nagtataka rin ito kung bakit kailangan pang mag-rebrand ng aktres gayong kilalang kilala na siya sa screen name na ‘Liza Soberano’.
“I don’t know the intent, I don’t know where she wanted to go. Pero kung rebranding lang ito at redirection, medyo masakit lalo na para sa aming mga manager.” aniya.
Sana man lang daw ay dinala na lamang ni Soberano ang pasasalamat sa mga dating humawak sa kanya.
“Pero sana you can journey in gratitude. Sana baon mo ang pagpapasalamat, sa lahat ng mga nangyari at sa lahat ng mga taong dumaan sa buhay mo at kasama mo. Because you are where you are today dahil sa mga taong tumulong. Sabihin na natin may mga karanasan ka na hindi masyadong maganda because you wanted to be heard, you wanted to be more visible in your career,” sabi ng King of Talk.
“Pero Liza, lahat ng lahat ng nangyari sa ‘yo, lahat. Nothing is ever wasted. Lahat. Lahat ‘yan nagiging point of reference mo, ‘Ay ito pala ang ibig sabihin no’n. Medyo masakit din po pakinggan ‘yung even the choice of [her] name na Liza, she had nothing to do with it,” dagdag pa niya.