Pinoy Henyo contestants na diumano’y nandaya sa palaro, humingi ng paumanhin: “Dala lang po ng emosyon”

Lubos ang paghingi ng tawad ng dalawang contestant ng kilalang gameshow ng noontime show Eat Bulaga na ‘Pinoy Henyo’ dahil sa ginawa nilang pandaraya sa nasabing palaro.

Matatandaan na sa pambihirang pagkakataon ay mayroong naiulat na pandaraya sa Pinoy Henyo sa ilang dekada nitong pamamayagpag sa telebisyon.

Nangyari ang nasabing pandaraya noong Pebrero 14 kung saan ay napansin ng mga netizens na tila sinasabi ng isa sa mga contestant ang ipinapahulang salita na ‘stomach’ kahit na mahigpit itong ipinagbabawal.

Sa nasabing episode ay makikita ang isa sa mga contestant na si Lyka na imbis na ‘oo’ at ‘hindi’ lamang ang sabihin ay tila ginagalaw nito ang kanyang bibig upang masabi sa kanyang ka-tandem na si Ryan ang salitang ipinapahula.

Samantala ay nang magpalit na sila ng pwesto ay mapapansin naman si Ryan na tila binabangit din ang salitang ipinapahula na ‘Abra’ kay Lyka.

Napansin naman ito ng milyon milyong netizens kaya naman agad nilang hinimok ang Eat Bulaga na bawiin ang papremyo na ibinigay sa dalawa.

Kahit mismong si Joey de Leon ay hindi ikinatuwa ang nangyari at naglabas ito ng pahayag kung saan ay inaalis ng pandaraya ang katuwaan sa nasabing palaro.

Sa panayam sa kanila ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabi nila Ryan at Lyka na hindi nila sinasadya na mandaya sa Pinoy Henyo at nadala lamang sila ng bugso ng damdamin.

Ayon kay Lyka ay nadala lamang siya ng kanyang emosyon kaya’t nasabi niya ang salitang ipinapahula kay Ryan.

“Yung dun po sa nangyari is dala po ng bugso ng damdamin. Lahat naman po tayo nagkakamali, di ba? Dala lang po ng emosyon, ng intense sa sarili kaya ganun po yung nangyari.” ani Lyka.

“Pasensiya na po kung ganun po ‘yung way ng paglalaro namin. Pasensiya na po kung sa tingin ninyo may pandadayang maganap pero hindi ko po intensyon na mandaya,” dagdag pa niya.

Ito rin ang sinabi ni Ryan at sinabi na hindi niya rin sinasadya na maituro ang salita kay Lyka.

“Hindi po ako aware na nasasabi ko po ‘yung word na ‘yun kasi nate-tense po ako na sana po masabi niya ‘yung pinapahula po sa kanya,” aniya.

Humingi rin ng paumanhin ang dalawa sa management ng Eat Bulaga.

Hindi naman kinumpirma ng management ng Eat Bulaga kung binawi nga ba nila ang premyo sa dalawa.

Facebook Comments Box