Mahilig ang mga Pilipino sa mga prank, lalo na ‘yung mga “extreme” na ginagawa ng vlogger sa ibang bansa.
Pero ang hindi alam ng apat na kabataan sa Valenzuela City ay hindi nila basta basta pwedeng gayahin ang prank ng mga banyaga dahil mayroong mga batas sa Pilipinas na maari nilang banggain.
Sa isang post ng Valenzuela City Police Station ay ibinalita nila ang pagkaka aresto sa apat na kabataan na tila gustong sundan ang yapak ng ilang sikat na ‘prangkista’ sa ilang bansa.
Pinangalanan ang mga suspek na sila Mark Francis Habagat, 20, ng Villa Baretto Subdivision, Barangay Canumay West; Mark Aldrin Arce, 20, ng Camilla St. De Castro Subdivision, Barangay Paso De Blas; Chris Bayron, 20, residente ng Dela Rosa St. Home Centrum Subdivision, Barangay Mapulang Lupa; at Wynzel Tan, 19, ng St. Joseph St. Barangay Bagbaguin, lahat ay matatagpuan sa Valenzuela City.
Ayon sa mga otoridad, may mga nagsumbong sa kanilang mga tao dahil may nakita silang tao na ipinasok sa sako at itinapon sa tabi ng kalsada.
Nadiskubre nila na ang tao sa loob ng sako ay may buhay pa at ‘yun pala ay ang isa sa mga suspek na si Habagat.
Nahuli rin nila ang tatlo pang suspek na nagtatago at kumukuha ng mga litrato at video di kalayuan sa pinagtapunan ng sako.
Kalaunan ay inamin nila na sila ay nagpa-prank lamang ng mga nadaan na tao at kinukunan nila ng video ang mga reaksyon ng mga makakakita sa sako.
Humingi naman sila ng tawad sa kanilang ginawa.
Hindi naman prank ang kasong kakaharapin ng apat.
Nahaharap sila sa patong patong na kaso katulad ng paglabag sa social distancing, hindi paggamit ng quaratine pass at pagdudulot ng alarm at scandal.
Pinaalalahan naman ng mga otoridad ang ilan pang nagbabalak na mag prank na siguraduhing hindi sila makaka perwisyo ng ibang tao sa gagawin nila.