Tinawag na haka-haka ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon sa mga Pilipino na nagsasabing sila’y naghihirap base sa kanyang sariling obserbasyon.
Sa isang panayam sa public briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, ibinahagi ni Gadon ang pinagkuhanan ng kanyang konklusyon na mula sa kanyang sariling obserbasyon.
Ayon sa kanya ay marami paring mga Pilipino ang nagpupunta sa mga mall na isa umano sa mga senyales na hindi nakakaranas ng matinding kahirapan ang bansa.
Ginawa ring basehan ni Gadon ang traffic na dahilan umano ng pagdami ng sasakyan.
“Pero ang katotohanan, magpunta ka sa mga mall, punong-puno. Pumunta ka kahit sa mga probinsya, yung mga branches ng punong-puno. Ibig sabihin, mataas ang purchasing power ng mga Pilipino,” ayon kay Gadon
“Lumabas ka ng kalsada, napakaraming bagong kotse, napaka-traffic. Anong ibig sabihin niyan? Maraming nakakabili ng kotse, which means maganda ang ekonomiya,” dagdag pa niya.
Taliwas ito sa isinagawang survey ng Philippine Statistics Authority kung saan may mga nagsasabi na nakakaranas sila ng kahirapan sa buhay.
Ayon sa pinakabagong survey ng PSA na inilathala noong 2023 ay mayroong poverty rate ang Pilipinas na 22.4%
Sa datos na ibinahagi ng SWS survey nitong Abril ay sinabi na 46% ng mga Pilipino families ang sinasabing sila’y mahirap.
Sinasabi naman sa hiwalay na survey ng SWS noong 2023 na 12.6% na pamilya sa Pilipinas ang nakakaranas ng ng kagutuman sa Pilipinas.
Inulan naman ng batikos sa social media ang sinabing ito ni Gadon dahil sa tila ay binabalewala niya ang problema na siyang dapat sinosolusyunan ng kanyang opisina na ang trabaho ay iangat sa kahirapan ang mga Pilipino.
Wala pang pahayag ang palasyo tungkol sa sinabi ni Gadon.