Posibleng habulin ng gobyerno ang kontrobersiyal na content creator na si Xander Ford, kasama na ang iba pang influencer na nanghihikayat ng mga netizen na maglaro ng ‘online sugal’.
Ayon sa cybersecurity expert na si Art Samaniego ay isa ang mga nasabing website na ipinapalaganap ni Xander sa mga nangunguha ng impormasyon ng mga e-wallet account ng mga netizens.
“Kapag ito, kapag nag-log in ka sa kanya (app) ang hihingin niya sa’yo MPIN mo…Kapag ikaw nagdagdag ka o nag-recharge ka ng pera dun sa game mo, diretso na ‘yun sa GCash. Hindi ka na hihingan ng OTP kasi MPIN na ‘yung nakalagay sa’yo,” paliwanag ng eksperto.
Plano ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na imbestigahan ang mga influencers katulad ni Xander dahil sa pagpapalaganap nila ng mga website na posibleng nagiging dahilan ng mga hindi otorisadong transaksyon sa mga e-wallet apps.
“Ang next natin na titirahin dito will be the influencers eh because apparently, alam mo mga milyon, daang libo `yung kanilang mga followers, dapat i-take down din `yung kanilang mga promotion (ng online sugal),” wika ni Undersecretary Alexander Ramos na pinuno ng CICC.
Hindi pa sinasabi ng CICC kung ano ang maari nilang ikaso sa mga nasabing influencer, ngunit nangako sila na seryoso ang kanilang magiging imbestigasyon.