Pumalag si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. sa mga akusasyon na siya ang mastermind sa pagtapos sa buhay ni Governor Roel Degamo.
Sa kanyang post sa social media, itinanggi ni Teves na siya ang nasa likod ng nangyari kay Degamo kahit na sila ay matinding magkaribal pagdating sa politika.
Ayon sa kanya ay wala siyang mapapakinabangan kung mawala man si Degamo sa pwesto.
“Kung may balak man ako o may kakayahan na gawin ito, tandaan niyo – kung may balak man ako o may kakayahan na gawin ito, eh di sana ginawa ko na to bago pa mag election,” Ani Teves.
“Ano yung motibo kung ngayon ko gagawin? Diba, hindi rin maging benepisyaryo ako at ang kapatid (Henry Teves) ko dahil kung mawala ang gobernador, and uupo man ang vice governor,” dagdag niya pa.
Naniniwala naman siya na may ilang grupo na gusto siyang pagbintangan sa nangyari kay Teves upang siya ay siraan.
“Ang iba gustong umepal, gustong magpasikat para sa kanilang sariling kapakanan… Wala po akong pinapatamaan pero alam niyo kung sino kayo,” wika niya.
Ipinaliwanag niya rin na hindi siya umuuwi sa Pilipinas dahil siya ngayon ay nasa abroad upang magpagamot at hindi para magtago.
“Na-delay lang ito ng konti dahil nasa abroad din ako dahil overdue na ang aking pagpapagamot, ang aming pagpapalagay ng aking stem cell. Awa ng Diyos, tapos nanaman po. Eh kailangan din natin ng ating health dahil health is wealth.” aniya.
Matatandaan na sinabi ng pamilya Degamo na mayroon na silang kutob kung sino ang nag-utos para patumbahin ang kanilang padre de pamilya.
“This man is very known in the country today,” ani Pamplona Mayor Janice Degamo, asawa ng namayapang gobernador.
Isa si Teves sa mga kontrobersyal na opisyal ngayon sa bansa at nag-umpisang marinig ang kanyang pangalan dahil sa kanyang anak noon na sinugod ang isang security guard na ayaw siyang papasukin sa isang subdivision.
Naging matunog din ang pangalan ni Teves matapos itong magpasa ng panukala upang ipagbawal ang ‘ghosting’.