Christian Merck Grey, may hamon kay Awit Gamer at Xander Ford: “Kayong dalawa sa ring tapos akong mag-isa”

Hindi ikinatuwa ni Christian Merck Grey o mas kilala bilang si ‘Makagwapo’ ang tila kampihan sa pagitan ng content creators na sina Awit Gamer at Xander Ford.

Matatandaan na humingi ng tulong si Xander kay Awit upang singilin si Christian sa diumano’y pangako nitong P349,000 na ibibigay sana para sa binyag ng anak niyang si Xeres.

Sa nasabing pagkikita ay nangako si Awit na pupuntahan ang bahay ni Christian upang personal na singilin ang ‘pakimkim’ nito sa binyag ng anak ni Xander.

Sa isang video na ibinahagi ni Makagwapo ay sinabi nito na ginagamit lamang siya ni Awit na matatandaang nakalaban niya na sa Battle of the Youtubers, para makakuha ng followers sa social media.

“Awit kung ikaw nami-miss mong matanggalan ng ngipin, sabihin mo lang sakin.. Anytime, miss ka na ng kamao ko,” ani Christian.

Hinamon din nito si Awit at Xander sa isang 2-vs-1 boxing match kung saan ay sosolohin diumano ni Christian ang dalawang influencer.

“Kayong dalawa sa ring tapos ako mag-isa para may laban laban na naman kayo sakin, para pagpawisan ako.. hindi ako pagpapawisan sa inyo eh,” aniya.

Sa ngayon ay wala pang sagot si Awit at Xander sa hamon ni Christian.

Pinaalala rin ni Christian kay Xander na hindi siya kailanman nangako at hindi rin siya imbitado sa binyag ni Xeres.

Facebook Comments Box